Huwebes, Enero 5, 2012

Minsan... (este madalas pala)

  

     Minsan, nagsisisi ako kung bakit ganito ang naging buhay ko. May ilang pagkakataon naman na hinihiling ko na sana ay dalawa o tatlo ang katawan ko. Kung nagkagano'n, edi sana mas madali ang buhay ko ngayon. Baka sakali rin na mas masaya.


   Minsan, ang sakit sa ulo na isiping ba tila ba ang taas ng expectations sayo ng mga tao sa paligid mo. 'Yong tipong kapag may group activity sa klase, swerte lang kung walang magsasabi ng "Kaya mo 'yan. Ikaw pa." Aba. Hindi naman ako si Darna. Itsura at hubog pa lang ng katawan, ang layo na. Paano pa kaya ang powers n'ya? Kung mamalasin, mababansagan pa ng bossy at kung anu ano pa. *Buntong hinihinga.*


     Minsan, ang masakit pa, tataasan pa nila ng kilay ang pagiging grade conscious ko. Hindi ba nila naiintindihan na malaking tulong ang nagagawa ng pagiging DL? Hindi naman 'yong karangalan ang habol ko, kundi 'yong saya dahil natutulungan ko 'yong mga magulang ko dahil sa pagiging scholar ko. Idadamay ko na rin ang mga kapatid ko na parehong nagtapos bilang magna cum laude. Kung hindi siguro sila naging ganoong katalino, hindi ako magiging ganitong ka-grade conscious.


     Minsan, pakiramdam ko, puro acads, klase at pace na lang inaatupag ko. 'Yon bang parang wala na kong oras sa sarili ko. Pero kahit ano pa ang sabihin ko, siguro ay wala naman talaga akong karapatang magreklamo. Choice ko kasi 'to eh. Pinili kong maging vice president ng klase at manunulat ng publikasyon ng unibersidad kahit pa alam ko na matatambakan ako lalo ng mga gawain. Hindi ko naman magawang iwan ang pace dahil masaya ako doon. Tulad nga ng sabi ko, choice ko 'to kaya dapat lang na panindigan ko.


     Sa ngayon, kaya ko pa naman siguro. Hindi ko naman siguro ikamamatay ang atake ng hika sa tuwing napapagod ako. Hindi ko lang talaga maiwasang isipin ang mga hinaing sa loob loob ko. Minsan ko lang naman maisip ang mga 'to eh. Siguro... minsan sa isang minuto.


Published with Blogger-droid v2.0.2

0 (mga) komento: