Huwebes, Enero 5, 2012

Nang Nangulila ang Pusa sa Aso

   Ang hirap pala kapag nakasanayan mo na ang isang bagay... Yung tipong mula nang ipinanganak at nagkaisip ka, 'yon na ang nakagisnan mo. Tapos isang araw pag-gising mo, bigla mo na lang maiisip na hindi na pala ganto, hindi na pala ganyan, ang dami na palang nagbago.


   Nasanay ako na buo ang pamilya namin sa tuwing araw ng pasko. Parang naging tradisyon na ang ginagawa namin tuwing ika-25 ng Disyembre. Sa umaga, magbubukasan ng regalo. Pagdating ng tanghali, papasyal kung saan man at gabi na makakauwi. Nitong nagdaang pasko, umalis lang kami para magsimba at magtanghalian, pagkatapos ay hinatid na namin ang ate ko sa bahay ng pamilya ng asawa nya.


   Hindi ang ate ko ang kinaiinisan ko ng mga panahong 'yon. Hindi rin ang mga pangyayari. Naiinis ako sa sarili ko at sa nga bagay na pinag-gagawa ko noon.


  Kami kasing dalawa ng ate ko ay yung tipo ng magkapatid na maya't maya ay may pinagtatalunan at bihira kung magkasundo. Sa madaling salita ay madalas mag-away. Naiinis ako kapag naaalala ko 'yong mga pagkakataon na ako ang nag-uumpisa ng away, na pumapatol ako sa kanya kahit na alam kong nakatatanda s'ya at lalo na 'yong mga pinag-awayan namin na nagsimula sa isang maliit at halos walang kwentang bagay.


   Ang dami palang nasayang na panahon. Sana pala ay mas nag-effort ako noon na mas maging mabait at malapit sa kanya. Edi sana wala akong pinagsisisihan ngayon at hindi ako naiinis sa sarili ko. Kung kailan araw ng pasko tsaka ko pa maiisip na, kahit pala para kaming aso at pusa, darating pa rin ang panahon na mamimiss ko siya.


Published with Blogger-droid v2.0.2

0 (mga) komento: