Ang mga Kalahi ni Eba
Nang una kong marinig ang kanta ni Inang Laya na Babae, samu't saring bagay ang pumasok sa aking isipan. Ilan rito ang mga kuro-kuro ko tungkol sa katayuan ng mga kababaihan sa lipunan.
Noong mga nakalipas na panahon, isang masaklap na katotohan ang mababang pagtingin ng mga tao sa mga babae. Ni hindi binibigyan ng pagkakataon na mag-aral dahil "pambahay" lamang daw ang mga ito. Sa kasalukuyan naman, kahit na sabihin pa na umunlad na ang pagtingin ng mundo sa mga babae, hindi maitatanggi na hindi pa rin tuluyang natutuldukan ang diskriminasyon na ito.
May ilang nabanggit sa kanta ni Inang Laya hinggil sa mga malungkot na kinahihinatnan ng mga babae. Para sa akin naman, naniniwala ako na ang mga babae ay hindi mahina, hindi dapat tawaging libangan, at hindi basta-basta pangkama lamang. Kaya ng mga babae na ipakita ang kanilang lakas at mga kakayahan kung gugustuhin nila, hindi dapat sila tinuturing na laruan lamang at higit sa lahat, hindi dapat sila binabastos dahil respeto ang nararapat para sa kanila.
Sinasabi ko ang mga ito hindi dahil sa babae ako at nananaig ang pagiging obhetibo sa akin. Sinasabi ko ito bilang tao na may pantay na pagtingin sa mga nilikha ng Diyos.
0 (mga) komento:
Mag-post ng isang Komento